Nagpatupad ang Department of Migrant Workers (DMW) ng mas istriktong scheduling at batch system sa pagbibigay ng financial assistance para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Dubai at Northern Emirates, kasunod ng mataas na demand at mabilis na pagkaubos ng slots.

Ayon sa DMW, agad na napuno ang unang 1,000 slots para sa one-time financial aid noong pagbubukas ng aplikasyon, kaya’t nagdesisyon ang ahensya na i-reopen ang proseso sa pamamagitan ng nakatakdang batch—tuwing Martes at Biyernes sa loob ng dalawang linggo.

Layunin ng hakbang na maayos na mapamahalaan ang dagsa ng aplikante at maiwasan ang siksikan sa proseso ng aplikasyon, sa pamamagitan ng sistema ng Migrant Workers Office Dubai.

Hinimok ng DMW ang mga OFW na magsumite lamang ng isang aplikasyon upang maiwasan ang diskwalipikasyon at bigyang-daan ang mas marami pang benepisyaryo.

Kabilang sa mga kinakailangan sa aplikasyon ang Request for Assistance form, passport bio page, Emirates ID, at mga dokumentong magpapatunay ng trabaho at pagkakabalam sa employment.

-- ADVERTISEMENT --

Aabot sa USD 200 hanggang AED 730 ang tulong na ipapamahagi sa pamamagitan ng mga remittance center sa UAE.

Nilinaw rin ng ahensya na hindi na maaaring makakuha ng panibagong ayuda ang mga OFW na dati nang nabigyan ng financial assistance kaugnay ng parehong krisis.