Nasawi ang isang Filipino seafarer habang sugatan naman ang isa pa matapos atakihin ang kanilang sinasakyang tanker na MT Velos Sapphire sa Persian Gulf nitong Huwebes.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, may 22 Pilipinong tripulante ang barko. Bukod sa nasawi at nasugatan, ligtas naman ang 20 iba pa.

Tinamaan ng hindi pa natutukoy na projectile ang tanker dakong alas-1 ng madaling-araw na nagdulot ng sunog. Inaalam pa ng mga awtoridad kung drone o missile ang ginamit sa pag-atake.

Sinabi ni Cacdac na nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers sa manning agency para matiyak ang kaligtasan at agarang pagpapauwi sa mga nakaligtas na tripulanteng Pilipino.

Maglalabas din ang DMW ng panibagong advisory na humihimok sa mga ship owner na iwasang padaanin ang kanilang mga barko sa Persian Gulf dahil sa panganib sa seguridad.

-- ADVERTISEMENT --