
Inilunsad ng Department of Energy (DOE) ang isang lingguhang kampanya upang hikayatin ang publiko na magtipid sa kuryente, kahalintulad ng Earth Hour.
Sa ilalim ng programang “Oras Natin sa Efficiency” o ONE campaign, hinihikayat ang mga kabahayan, negosyo, paaralan, at iba pang organisasyon na patayin ang mga hindi kailangang ilaw at i-unplug ang mga appliances tuwing Sabado mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-9:00 ng gabi.
Ayon sa DOE, layunin ng kampanya na ipakita ang malaking matitipid sa konsumo ng kuryente kung sabay-sabay na makikilahok ang publiko. Makikipagtulungan din ang ahensya sa pribadong sektor at mga paaralan upang mas mapalawak ang saklaw ng programa.
Batay sa datos, nakapagtala ang bansa ng pagbawas na 145.43 megawatts sa power demand sa isinagawang Earth Hour ngayong taon, katumbas ng konsumo ng tinatayang isang milyong kabahayan.
Tiniyak naman ng DOE na walang inaasahang power interruption sa kabila ng kasalukuyang isyu sa enerhiya, at iginiit na maliit lamang na bahagi ng power supply ng bansa ang nagmumula sa diesel.
Samantala, nanawagan si Senador Loren Legarda ng mas malawak at agarang aksyon para sa kalikasan, kabilang ang rehabilitasyon ng mga watershed at pagtatanim ng mangrove upang mapalakas ang proteksyon laban sa epekto ng climate change at global energy crisis.










