
Nananatiling sapat pa ang suplay ng petrolyo sa bansa kaya’t wala pang plano ang Department of Energy (DOE) na mag-angkat ng langis.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, hindi na muna kailangan ang panibagong order ng fuel dahil may sapat na suplay at limitado rin ang storage facilities ng bansa.
Aniya, nasa 150 milyong litro na ng diesel ang naiproseso at ginagamit bilang buffer.
Batay sa datos ng DOE, may sapat na suplay ang bansa para sa 53 araw.
Kabilang dito ang gasolina na magtatagal pa ang suplay nang hanggang 52.64 days, habang ang diesel ay 54.58 days, at ang kerosene naman ay 166.67 na araw.
Hindi naman good news para sa lahat, dahil may inaasahang taas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ngayong buwan na P1.33 kada kilo katumbas ng P13.42 na dagdag sa bawat 11-kilogram cylinder.
Samantala, tiniyak naman ng DOE na sapat ang suplay ng kuryente sa bansa kahit sa nararanasang tag-init, at patuloy na mino-monitor ng DOE ang demand upang maiwasan ang kakulangan sa suplay sa kabila ng mataas na demand.










