Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga sakit na karaniwang tumataas tuwing maulan, tulad ng dengue.

Ang dengue ay isang sakit na dala ng lamok na nangingitlog sa mga stagnant o nakatiwangwang na tubig.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang dengue ay isang viral infection na nagdudulot ng sintomas tulad ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo, kalamnan at kasu-kasuan, pagsusuka, at mga pantal.

Dahil dito, hinihikayat ng DOH ang lahat na agad kumonsulta sa doktor kung makaranas ng mga sintomas.

Upang makaiwas, isinusulong ng ahensya ang “4T strategy”—Taob, Taktak, Tuyo, Takip—para masugpo ang pamumugad ng lamok.

-- ADVERTISEMENT --

Sa Davao City, umabot sa 7,089 ang naitalang kaso ng dengue noong 2024, na may 55 nasawi—mas mataas kaysa sa datos ng 2023.

Bukod sa dengue, binalaan din ng DOH ang publiko laban sa iba pang sakit sa tag-ulan gaya ng influenza-like illnesses, water- at food-borne diseases, at leptospirosis.