Pinabulaanan ni Justice Secretary Fredderick Vida ang mga pahayag na hindi totoo ang pag-aresto sa dating kongresista Zaldy Co sa Prague, Czech Republic.

Kung maalala, iginiit ni dating presidential spokesperson Harry Roque na “fake news” ang ulat ni Pangulong Bongbong Marcos hinggil sa dating kongresista. Inakusahan din niya ang administrasyon na nagpapakalat ng maling impormasyon upang siraan ang dating mambabatas.

Ngunit ayon kay Vida, may indikasyon umano mula sa Czech Republic na naaresto si Co, at ito ang naging batayan ng kanilang aksyon.

Ipinaliwanag din ng kalihim na mahigpit ang umiiral na data privacy laws sa Czech Republic, kaya hindi basta-basta nailalabas ang mga detalye o ebidensya gaya ng larawan kaugnay ng pag-aresto, bagay na iginagalang din ng Pilipinas.

Tiniyak ng kalihim na patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa international authorities upang malinaw na matukoy ang sitwasyon ni Co.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, nakipagpulong na ang DOJ sa Department of Foreign Affairs para sa mga susunod na hakbang sa posibleng pagpapauwi sa dating kongresista.

Inaasahan ding lilipad si Vida patungong Czech Republic ngayong linggo upang personal na makipag-ugnayan sa mga awtoridad doon, kasama ang Philippine Center for Transnational Crime.

Layunin ng hakbang na matiyak ang wastong proseso at mapabilis ang pagresolba sa isyu sa kabila ng magkakaibang pahayag na lumalabas kaugnay sa kinaroroonan ni Co.