Inaprubahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Western Visayas at SOCCSKSARGEN na ipatutupad ngayong Nobyembre.

Sa Western Visayas, ₱40 hanggang ₱45 ang itataas sa arawang minimum wage simula Nobyembre 19. Mula ₱550, magiging ₱590 na ang sahod ng mga manggagawa sa non-agriculture, industrial at commercial establishments na may mahigit 10 empleyado.

Para naman sa mga establisimyentong may mas mababa sa 10 manggagawa, tataas sa ₱565 mula ₱525 ang minimum wage. Ito rin ang magiging bagong arawang sahod ng mga manggagawang agrikultural, mula sa dating ₱520.

Makakatanggap din ng karagdagang ₱500 kada buwan ang mga kasambahay sa Western Visayas, kaya magiging ₱7,000 na ang kanilang buwanang minimum wage.

Samantala, ₱41 kada araw ang kabuuang dagdag-sahod sa SOCCSKSARGEN na ipatutupad sa dalawang yugto.

-- ADVERTISEMENT --

Magsisimula sa Nobyembre 19 ang unang ₱16 na dagdag, kaya magiging ₱459 ang arawang minimum wage ng mga manggagawang agrikultural at ₱476 naman para sa non-agriculture workers.

Ipapatupad naman sa Enero 1, 2027 ang ikalawang dagdag na ₱25, na magtataas sa minimum wage sa ₱484 para sa agrikultural at ₱501 para sa non-agriculture workers.

Tataas din ng ₱450 kada buwan ang sahod ng mga kasambahay sa SOCCSKSARGEN simula Nobyembre 19, kaya aabot sa ₱6,450 ang kanilang buwanang minimum wage.