
Sinuspinde ng Philippine College of Physicians (PCP) si Dr. Anthony “Tony” Leachon ng anim na buwan dahil sa umano’y defamation laban sa kapwa doktor at lumabag sa ethical standards.
Batay sa 26-pahinang desisyon ng 13-member Board of Regents ng PCP, napatunayang lumabag si Leachon sa Code of Ethics ng organisasyon dahil sa kanyang mga public statements laban sa ilang kasamahan sa propesyon.
Ayon sa desisyon, gumawa umano si Leachon ng mga alegasyon ng korapsyon na walang sapat na ebidensya kung saan itinuturing na hindi etikal na gawain laban sa kapwa doktor.
“Respondent engaged in defamatory allegations and insinuations… without any personal knowledge or sufficient evidence,” ayon sa PCP ruling.
Dahil dito, sinabi ng PCP na kailangang papanagutin si Leachon sa paglabag sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang miyembro ng organisasyon.
Gayunpaman, nilinaw ng PCP na hindi napatunayan ang ilang bahagi ng reklamo laban sa kanya, kabilang ang umano’y misrepresentation bilang expert witness at pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng Dengvaxia controversy.
Sa huli, napatunayang liable lamang si Leachon sa defamation at paglabag sa ethical standards, na naging batayan ng kanyang anim na buwang suspensyon.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Leachon na hindi siya sang-ayon sa desisyon at kasalukuyang pinag-aaralan nang kanyang mga abogado ang hakbang na maaari nilang gawin.





