Personal na binisita ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang mga benepisyaryo at kawani ng ahensya sa lalawigan ng Apayao bilang bahagi ng kanyang “Development Tour,” na layong mas mapalalim ang pag-unawa ng pamahalaan sa mga pangangailangan at hamong kinakaharap ng mga komunidad.

Sa unang bahagi ng pagbisita, pinuntahan ng kalihim ang isang farm-to-market road project mula Purok 6 hanggang Purok 7 sa Barangay Sacpil, na ipinatupad sa ilalim ng KALAHI-CIDSS Program.

Ipinakita sa proyekto ang matagumpay na community-driven development, kung saan mismong mga miyembro ng komunidad ang nanguna sa pagpapatupad.

Kasunod nito, nakipagpulong si Secretary Gatchalian sa mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Parent Leaders at Municipal Links ng Apayao sa pamamagitan ng isang Focus Group Discussion, kung saan tinalakay ang mga hamon at karanasan sa pagpapatupad ng programa sa lalawigan.

Binisita rin ng kalihim ang Winery ng Han-Han Sustainable Livelihood Program Association sa Barangay Malama, kung saan kanyang pinuri ang layunin at kalidad ng mga produktong nalikha sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang bahagi ng aktibidad, nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DSWD at Pamahalaang Panlalawigan ng Apayao para sa pagkakaloob ng isang lote na pagtatayuan ng DSWD povincial warehouse, na inaasahang magpapabilis sa prepositioning at distribusyon ng relief goods sa panahon ng kalamidad.

Samantala, sa isang simpleng seremonya kinilala si Secretary Gatchalian bilang “Son of Conner, Apayao,” bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa pagsusulong ng mga programang pangkabuhayan at pagpapalakas ng katatagan ng mga mamamayan ng bayan.