
Hindi dadalo si dating pangulong Rodrigo Duterte sa ikalimang status conference ng International Criminal Court (ICC) sa Nobyembre 2, bago ang nakatakdang pagsisimula ng paglilitis sa kaniya sa Nobyembre 30.
Ayon sa kaniyang legal counsel na si Peter Haynes, pinayagan ng ICC Trial Chamber III ang kahilingan ng dating pangulo na hindi personal na dumalo at sa halip ay katawanin na lamang ng kaniyang mga abogado.
Kabilang sa mga tatalakayin sa naturang pagdinig ang listahan ng mga testigo, oras na ilalaan sa prosekusyon sa paglalahad ng ebidensiya, mga posibleng ebidensiya ng depensa, mga napagkasunduang katotohanan at mga hakbang para sa seguridad sa loob ng korte.
Nahaharap si Duterte sa mga kasong murder at attempted murder na iniuugnay sa umano’y crimes against humanity na naganap sa Pilipinas mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.










