
Naninindigan ang mga eksperto sa infectious disease na napakababa ang posibilidad na makapasok sa Estados Unidos ang isang Ebola-infected traveler sa gitna ng 2026 World Cup, ngunit tiniyak nilang handa ang mga ospital sa posibleng kaso.
Ayon kay Dr. Gavin Harris ng Emory University, bagama’t hindi zero ang risk, mas handa na ngayon ang US kumpara noong 2014 West African Ebola outbreak kung saan nagkaroon ng unang kaso sa Dallas at nahawa ang ilang healthcare workers.
Dahil dito, umabot na sa $260 milyon ang pondo ng US para sa Ebola preparedness at nagtatag ng 13 specialized treatment centers para sa mabilis na isolation at gamutan ng mga posibleng pasyente.
Sinabi ni Dr. Tom Frieden, dating CDC director, na hindi airborne ang Ebola at hindi kumakalat sa simpleng contact, ngunit kailangan pa ring itigil ang outbreak sa pinagmulan nito sa Democratic Republic of Congo upang tuluyang mawala ang panganib.
Samantala, naghahanda rin ang US, Mexico, at Canada para sa mass gathering risks tulad ng measles, COVID-19, at influenza na mas malamang kumalat sa malalaking pagtitipon ng mga tao.
Ayon sa mga opisyal, nagpapatuloy ang koordinasyon ng mga host city, FIFA, at health agencies para sa surveillance, training, at emergency response habang isinasagawa ang World Cup.










