
Iginiit ni Sandiganbayan Third Division Chairperson Associate Justice Karl Miranda na “indispensable” umano ang naging papel ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa aleged malversation ng pondo para sa isang flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ito ang laman ng dissenting opinion ni Miranda matapos siyang hindi sumang-ayon sa desisyon ng korte na payagan si Revilla na makapagpiyansa sa kasong may kaugnayan sa umano’y P92.8-milyong ghost flood control project.
Ayon kay Miranda, hindi lamang basta pagpapatayo ng “ghost” o hindi umiiral na proyekto ang layunin ng umano’y sistema, kundi ang paggamit ng mga proyekto upang mailihis ang pondo ng bayan.
Sinabi rin niya na ang umano’y papel ni Revilla bilang project proponent ay mahalagang bahagi ng sinasabing sabwatan, lalo na sa proseso ng pagtukoy, pagpopondo, at pag-prioritize ng proyekto.
Samantala, nanatili namang nakakulong ang ilang kapwa akusado ni Revilla matapos hindi sila mapayagang makapagpiyansa dahil itinuring na malakas ang ebidensya laban sa kanila sa kasalukuyang yugto ng paglilitis.










