Naglunsad ng malawakang manhunt operation ang Philippine National Police matapos umanong dukutin ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek ang dating vice mayor ng Abuyog, Leyte na si James Bohol at ang anak nitong si Carlo James Bohol sa bayan ng Mayorga nitong Sabado ng hapon.

Batay sa paunang imbestigasyon, bandang ala-1:00 ng hapon nang harangin ng mga suspek ang sinasakyang sasakyan ng mag-ama sa Barangay Sta. Cruz.

Sapilitan umano silang isinakay sa isang puting Toyota Vios na ginamit na getaway vehicle.

Kapwa negosyante ang mag-ama at hanggang ngayon ay wala pang natutukoy na motibo sa pagdukot sa kanila.

Patuloy ring inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang ulat na namataan ang sinasabing getaway vehicle sa isang government housing village sa Barangay Tingib sa Basey, Samar.

Samantala, nagpapatuloy ang search operations at follow-up investigation ng pulisya para matunton ang mga biktima at madakip ang mga responsable.