
Sumuko sa pulisya ang 3 suspek na umano’y dumukot at pumatay sa dating vice mayor sa Abuyog, Leyte na si James Bohol at anak nito.
Ayon kay Anti-Kidnapping Group (AKG) Director PBGen. Edwin C. Balles, nagbigay ng surrender fillers ang nasabing mga suspek sa pamamagitan pakikipag-usap sa pamilya ng mga ito kung saan alas-9 ng gabi kagabi nang sumuko sa nasabing tanggapan.
Nabatid na naiulat na nawawala ang mag-amang Bohol sa Mayorga, Leyte noong June 27 ng Sabado at nakita ang kanilang mga bangkay sa isang masukal na bangin sa gilid ng kalsada sa Barangay Imelda, Silago, Southern Leyte.
Samantala ayon pa kay Balles, sa pakikipag-usap nito sa mga suspek ay sinabi ng mga ito na pinagplanuhan nila ang ginawang krimen sa mag-ama.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagkautang ang biktima sa isa sa mga suspek na isang negosyante na ang negosyo ay mantika.
Hindi naman isiniwalat kung magkano ang nasabing pagkakautang ng mga biktima.
Sa ngayon nahaharap ang mga nasabing suspek sa 2 counts ng murder at sila ngayon ay nasa kustodiya ng AKG habang isinasailalim sa inisyal na proseso bago ilipat sa PRO8 para sa karagdagang imbestigasyon.







