
Inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na layong palawigin ang validity ng Professional Regulation Commission identification card.
Batay sa House Bill 8876, mula tatlong taon ay gagawin nang limang taon ang validity ng Professional Identification Cards upang maibsan ang pasanin ng milyun-milyong Pilipinong propesyunal.
Aatasan din ang Information and Communication Technology Service ng PRC na kumpletuhin ang upgrades sa Licensure Examination Registration Information System at iba pang administrative processes.
Ayon kay dating House Speaker at ngayo’y Leyte First District Representative Ferdinand Martin Romualdez, sa panahon ngayon ay mahalaga na mapagaan ang gastos at abala sa mga propesyunal.
Sa pagpapalawig ng validity ng PRC IDs ay mas mabibigyan aniya sila ng panahon para makatutok sa trabaho, kabuhayan at serbisyo sa bayan kaysa paulit-ulit na proseso ng renewal.
Binigyang-diin ni Romualdez na ang mga guro, nurse, engineer, architect, accountant at iba pang professionals ay kabilang sa haligi ng ekonomiya at nararapat lamang na gawing mas simple, mabilis at makatao ang proseso.
Ang panukala ay isa umanong konkretong hakbang para bawasan ang red tape at gawing mas maginhawa ang serbisyo ng gobyerno.
Idinagdag pa ni House Majority Leader Sandro Marcos na maaari namang magkaroon ng efficient system nang hindi kinokompromiso ang professional standards at regulation.
Ipinunto ni Marcos na makatutulong ang panukala para ma-decongest ang PRC appointment system sa pamamagitan ng pagbabawas ng annual renewal transactions.
Bukod sa mas praktikal at repormang nakasentro sa mamamayan, magiging mas mabilis at epektibo umano ang serbisyo ng pamahalaan.










