TUGUEGARAO CITY-Nagkakaubusan na umano ng face mask sa ilang bahagi ng China kasunod ng paglaganap ng SARS-like virus na ikinamatay ng ilang residente doon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi ni Glory Eheng, tubong Lagawe, Ifugao at nakabase sa Shengzhen, China na tumaas na rin ang presyo ng mga face mask dahil sa nagpapanic buying ang mga tao.

Ang dating P10 na face mask ay mabibili umano ngayon sa halagang P25 dahil halos lahat ng mga tao ay nakasuot ng face mask dahil sa takot sa bagong strain ng coronavirus na unang nakita sa Wuhan City.

Ayon pa kay Eheng na hindi rin pinapayagan na sumakay sa mga pampublikong sasakyan ang mga may sakit gaya ng may lagnat at inuubo.

Dahil dito, sinabi ni Eheng na maging silang mga OFWs ay nagsusuot na rin ng face mask at iniiwasan nila ang mga matataong lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Kuwento ni Eheng na hindi maiwasan na matakot ang mga tao sa Shengzhen lalo na at binawian ang isa sa dalawang pasyente na sinasabing tinamaan ng novel coronavirus na dinala sa pagamutan malapit sa restaurant na kaniyang pinapasukan.

Matatandaan na nagsimula ang bagong strain ng coronavirus sa Wuhan City sa China noong Disyembre kung saan maliban sa tatlong nasawi ay mayroon na umanong higit 140 na bagong kaso ng sakit.