
Nag-alok ng $25,000 na pabuya ang Federal Bureau of Investigation para sa impormasyon na magtuturo sa kinaroroonan at pagkakaaresto ng Filipino national na si Austin Jan Sy Yatco, na umano’y sangkot sa online child exploitation ring.
Ayon sa FBI Dallas Field Office, si Yatco ay pinaghahanap kaugnay ng kasong conspiracy to produce, receive, at distribute child pornography na isinampa sa United States District Court for the Eastern District of New York noong Enero 23, 2026.
Sinabi ng FBI na ang kaso ay may kaugnayan sa isang online network na tinatawag na “Greggy’s Cult,” na umano’y gumagamit ng gaming at social media platforms para targetin ang mga menor de edad at pilitin sa paggawa ng illegal na gawain.
Batay sa ulat, si Yatco ay ipinanganak sa San Pedro, Laguna at dating nanirahan sa Texas, at pinaniniwalaang nasa Pilipinas ngayon.
Ayon sa Federal Bureau of Investigation, patuloy nilang inuuna ang mga kaso laban sa mga online predator at hinihikayat ang publiko na magbigay ng impormasyon upang matunton ang suspek at maprotektahan ang mga biktima.










