
Nagpahayag ng pangamba ang ilang Filipino artists sa patuloy na pag-usbong ng AI-generated music, kasabay ng kakayahan na ngayon ng artificial intelligence na lumikha ng kanta at gayahin ang boses at istilo ng mga mang-aawit.
Ayon sa mga miyembro ng OPM band na Fitterkarma, nakababahala ang mga AI-generated songs dahil maaaring magmukhang tunay ang mga ito at mapagkamalan ng mga tagapakinig na gawa ng tao.
Sinabi ng gitarista na si Joao de Leon na nakakatakot ang ganitong teknolohiya dahil halos tunog-tao na ang mga nalilikhang awitin, na posibleng magdulot ng kalituhan sa mga listener kung alin ang orihinal at AI-generated.
Nagpahayag din ng pag-aalala ang bassist na si Sophia Miranda, na binigyang-diin na maaaring maapektuhan ang visibility ng mga orihinal na kanta kung ang AI-generated music ang unang maririnig ng mga user sa streaming platforms.
Para naman sa gitarista na si Lory Mendoza, hindi patas ang sitwasyon para sa mga musikero na matagal na pinaghirapan ang kanilang likha, kumpara sa AI na kayang gumawa ng katulad na output sa mas mabilis na paraan.
Ayon sa independent musician na si Tom Tagra, maaaring maapektuhan ng AI-generated music ang oportunidad ng mga emerging artists na makilala sa industriya.
Iginiit din niya na bagama’t kayang gayahin ng AI ang tunog at estilo, hindi nito kayang pantayan ang emosyon at personal na karanasan na bumubuo sa isang awitin.
Sinang-ayunan ito ng Philippine Society of Composers, Authors and Publishers (FILSCAP), na nagsabing ang generative AI ay maaaring makagaya ng human works dahil ito ay sinanay gamit ang mga likha ng tao, ngunit hindi nito kayang palitan ang “lived experience” ng mga artista.
Ayon sa FILSCAP, ang mga fully AI-generated songs ay hindi rin kasalukuyang saklaw ng copyright protection sa ilalim ng batas ng Pilipinas, dahil tanging mga natural na tao lamang ang maaaring kilalaning may-akda.
Sa gitna ng mabilis na pagbabago sa industriya ng musika, nananawagan ang mga musikero sa publiko na patuloy na suportahan ang mga human artists at mga umuusbong pa lamang na OPM creators.







