
Naglabas ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng bagong governance principles upang magsilbing gabay sa mga bangko at iba pang BSP-supervised financial institutions sa responsableng paggamit ng artificial intelligence (AI).
Layunin ng memorandum na matulungan ang mga institusyon na mapahusay ang kanilang serbisyo gamit ang AI habang napoprotektahan ang mga consumer at napapanatili ang tiwala sa financial system.
Nakabatay ang gabay sa limang pangunahing prinsipyo na tinawag na STARS — sustainability, transparency, accountability, responsibility, at security.
Ayon sa BSP, ginagamit na ang AI sa iba’t ibang financial services tulad ng fraud detection, anti-money laundering monitoring, credit scoring, customer service, cybersecurity, at risk management.
Bagama’t boluntaryo at hindi sapilitan ang pagsunod sa mga prinsipyo, sinabi ng BSP na ito ang minimum supervisory expectations ng bangko sentral para sa ligtas at etikal na paggamit ng AI sa sektor ng pananalapi.










