
Sinimulan nitong Huwebes ang separation surgery sa Filipino conjoined twins na sina Olivia Faith at Giana Faith Manuel sa King Abdullah Specialist Children’s Hospital sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon sa Saudi Program for Conjoined Twins, inaasahang tatagal ng humigit-kumulang walong oras ang operasyon na isinasagawa sa anim na yugto ng isang multidisciplinary team na binubuo ng 22 espesyalista.
Ang magkapatid ang ikaapat na set ng Filipino conjoined twins na sumailalim sa ganitong uri ng operasyon sa nasabing bansa.
Isinasagawa ang procedure sa ilalim ng humanitarian medical assistance program ng Saudi Arabia para sa mga komplikadong kaso mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon sa mga awtoridad, ito na ang ika-72 na separation surgery na naisagawa ng programa mula nang ito ay itatag noong 1990, at nakapagbigay na ng tulong sa mga pasyenteng mula sa 28 bansa.
Nasa King Abdulaziz Medical City sa ilalim ng Ministry of National Guard Health Affairs ang operasyon, at isinasagawa ito alinsunod sa international medical standards upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente.
Wala pang inilalabas na detalye tungkol sa kondisyon ng kambal habang isinusulat ang ulat, gayundin sa inaasahang recovery period matapos ang operasyon.
Inaasahang maglalabas ng karagdagang update ang medical team matapos makumpleto ang procedure.









