
Pinayuhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga mangingisda na naapektuhan ng malawakang fish kill sa Magat Dam sa bayan ng Ramon at Cordon, Isabela na hintayin munang maging normal ang kalidad ng tubig bago muling mag-alaga ng isda.
Ayon kay Gerico Gibe, Provincial Fishery Officer ng BFAR-Isabela, ipagpaliban muna ang pagpaparami ng tilapia at maghintay ng rehabilitasyon bago muling mag-alaga dahil sa epekto ng El Niño.
Sinabi ni Gibe na ang nararanasang pagbaba ng antas ng tubig sa dam at mababang oxygen ang dahilan ng pagkamatay ng nasa 10-metric tons ng isda.
Sa ngayon, tinatayang nasa P1.2 milyon na ang nalugi sa mga operator ng mga palaisdaan at posibleng madagdagan pa habang nagpapatuloy ang assessment at monitoring sa lawak ng pinsala ng fish kill sa 178 fish cage operators.
Tiniyak naman ng BFAR-Isabela ang tulong sa mga naapektuhang may-ari ng mga fish pen.









