
Nakatakdang makipagkita si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong abogado na hahawak sa kanyang depensa matapos ang pag-alis ng British-Israeli lawyer na si Nicholas Kaufman bilang kanyang legal counsel.
Ayon kay Kaufman, nakatakda ang naturang pagpupulong upang pormal na makilala ng dating pangulo ang kanyang bagong abogado.
Ipinaliwanag ni Kaufman na limitado lamang ang kanyang papel sa pretrial proceedings sa loob ng isang taong kontrata o hanggang sa pagtatapos ng confirmation hearing, alinman ang mauna.
Anya, nagtapos ang kanyang kontrata noong Marso 31, 2026.
Sinabi rin niya na ang pondo at responsibilidad sa patuloy na legal na usapin, kabilang ang pagpili ng bagong counsel, ay hawak na nina Honeylet Avanceña at Veronica Duterte.
Ayon kay Kaufman, inaasahan niyang maaaprubahan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber ang kanyang withdrawal matapos magbigay ng pahintulot si Duterte sa bagong abogado.
Sinabi rin niya na ang bagong counsel ay may malawak na karanasan sa ICC litigation at humawak na ng mga high-profile cases, at patuloy siyang tutulong sa transisyon upang matiyak ang maayos na paglipat ng kaso.
Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng International Criminal Court na si Oriane Maillet na kasalukuyang sinusuri pa ng korte ang kahilingan ni Kaufman para sa kanyang pag-atras sa kaso.
Dagdag pa niya, may karapatan si Duterte na ipagtanggol ng isang abogadong kwalipikado at kabilang sa listahan ng ICC counsels.









