
Hiniling ng mga tagausig ng International Criminal Court (ICC) na tanggapin bilang ebidensiya ang testimonya ng tatlo pang saksi laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, mahigit isang buwan bago ang inaasahang pagsisimula ng paglilitis sa kasong crimes against humanity.
Ayon sa prosecution, makatutulong ang mga karagdagang testimonya upang maipaliwanag ang umano’y polisiya ng karahasan laban sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang mga pagpatay.
Kinilala lamang ang mga saksi sa mga pangalang P-1370, P-1393 at P-1416. Iminungkahi ng mga tagausig na gamitin ang kanilang mga pahayag at kaugnay na dokumento bilang ebidensiya kapalit ng personal nilang pagtestigo sa korte.
Nakatuon umano ang mga salaysay sa mga extrajudicial killing sa Central Luzon. Kabilang dito ang nalalaman ni P-1393 hinggil sa umano’y pagpatay ng isang pulis sa isang lalaki sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Iginiit naman ng prosecution na hindi malalabag ang karapatan ni Duterte sa pagdaragdag ng mga testimonya, dahil maaari pa ring kuwestiyunin ng kaniyang mga abogado ang mga ito habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Gayunman, kahilingan pa lamang ito ng mga tagausig at hindi pa nangangahulugang tinanggap na ng ICC ang mga naturang testimonya bilang ebidensiya.










