
Iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na dapat isaalang-alang ang kulturang Bisaya sa pag-unawa sa mga naging pahayag nito laban sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.
Sa pre-trial filing na inihain noong Nobyembre 25, sinabi ni lead defense counsel Peter Haynes na ang paggamit ni Duterte ng mga salitang mapanakit, mapanindak at may pagmumura ay maaaring bahagi umano ng nakasanayang paraan ng pagsasalita sa rehiyon.
Ipinaliwanag ni Haynes ang konsepto ng “bugalbugal,” isang kaugalian sa Cebuano na tumutukoy sa panunukso, pangungutya at paggamit ng mapagbirong pananalita.
Ayon sa abogado, maaaring iba ang dating ng mga pahayag ni Duterte sa mga tagapakinig mula sa Kanluran o hindi pamilyar sa kulturang Davao at Bisaya. Kabilang dito ang mga katagang “Papatayin kita,” na aniya ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng literal na banta na pumatay.
Iginiit din ng depensa na kailangang suriin ang konteksto at ugnayan ng nagsasalita at ng kaniyang mga tagapakinig upang matukoy ang tunay na kahulugan ng mga pahayag.
Samantala, ipinaliwanag din ni Haynes ang paggamit ni Duterte sa salitang “neutralization” sa mga operasyon kontra droga.
Ayon sa kaniya, matagal nang ginagamit ang naturang termino sa doktrina ng militar at mga manwal ng Philippine National Police, at tumutukoy umano ito sa pagpigil o pagpapahina sa kakayahan ng isang suspek na magdulot ng panganib, hindi awtomatikong pagpatay.
Bahagi ang mga argumentong ito ng depensa ni Duterte sa kasong crimes against humanity na kinakaharap niya sa ICC kaugnay ng madugong kampanya kontra droga.









