Hinarang ng mga magnanakaw na nagpanggap na mga pulis ang isang highway sa Italy at pinasabog ang isang armoured van.

Sa kuhang footage, makikita ang mga naka-mask na mga armadong katao, gamit ang Kalashnikov rifles, hinarangan ang State Road 613 sa Puglia, southern Italy.

Ayon sa local reports, hinarangan ng gang ang kalsada sa pamamagitan ng pagpapasabog sa truck at gumamit ng mga sasakyan na may flashing lights para magpanggap na mga pulis at lumapit sa armoured van.

Makikita sa video na nagtatago ang gang sa likuran ng sasakyan nang sumabog ang van.

Ang armoured vehicle ay pagmamay-ari ng Battistolli, na nagsasagawa ng cash transport services sa buong bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Iniulat pa ng Italian media na may iba pang drivers sa highway ang ninakawan.

Nakatakas ang gang at agad na sinundan ng Carabinieri, sa isang makapigil hininga na habulan kung saan may tatlong police car ang tinamaan ng tatlong bala at may nabangga na isang sasakyan.

Sa follow-up investigation, may isang lalaki na nahuli na tinangkang tumakas matapos na habulin ang isang sasakyan na matulin ang patakbo at inabandona ang sasakyan.

Kalaunan ay may isa pang gang member ang nahuli habang tumatakas.

Ayon sa mga awtoridad, hindi naging matagumpay ang pagnanakaw, dahil nabigo ang gang na makakuha ng pera.

Sinasabing ang gangsters ay mula sa Foggia area, na kilala doon na tahanan ng mga gangs na sangkot sa robbery ng armoured vehicles.

Idinagdag ng mga awtoridad na dalawa pang miyembro ang nakatakas matapos na agawin ang sasakyan ng ilang motorista para makatakas.