
Pinagpapaliwanag ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DOE), National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), at Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay ng mga ulat ng rotational brownout at pagkaantala sa suplay ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Gatchalian, hindi katanggap-tanggap ang patuloy na power interruptions lalo na sa gitna ng mga hakbang gaya ng four-day work week na ipinatutupad ng ilang ahensya ng gobyerno dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan.
Nauna nang nagdeklara ang NGCP ng red at yellow alert sa Luzon at Visayas grids bunsod ng sabay-sabay na forced outage ng ilang power plants.
Giit ng senador, dapat managot ang mga generation company kung paulit-ulit na pagpalya ng mga planta ang ugat ng problema at dapat tiyakin ng ERC ang mahigpit na pagpapatupad ng performance standards sa sektor ng enerhiya.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na malaking epekto ng brownout ang pagkaantala sa operasyon ng negosyo, edukasyon ng mga estudyante, at maging sa mga serbisyong medikal na nakadepende sa kuryente.
Muling nanawagan ang senador sa NGCP para sa mas maagap na grid management at sapat na ancillary services upang maiwasan ang power interruptions lalo na tuwing mataas ang demand.
Giit pa niya, kailangan ng malinaw na paliwanag, agarang aksyon, at pananagutan mula sa mga kinauukulang ahensya upang hindi na maulit ang ganitong sitwasyon.





