Naghain ng resolusyon si Senate President pro tempore Sherwin Gatchalian na naglalayong imbestigahan ang paulit-ulit na power interruptions sa Luzon at Visayas, kabilang ang madalas na paglalagay sa red at yellow alert status ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sa ilalim ng Senate Resolution 425, binigyang-diin ni Gatchalian ang serye ng grid alerts na naitala sa mga nakalipas na buwan.

Ayon sa datos na kanyang inilatag, umabot sa humigit-kumulang 22 interval hours ang red alert sa Visayas grid, habang nasa 93 interval hours naman ang yellow alert.

Samantala, sa Luzon grid ay naitala ang red alert sa loob ng 27 interval hours at yellow alert sa humigit-kumulang 5.5 interval hours.

Dahil dito, nais ni Gatchalian na masuri ng Senado ang mga dahilan ng madalas na power interruptions at ang epekto nito sa mga kabahayan, negosyo, at industriya sa dalawang pangunahing rehiyon ng bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na inaasahan ang pormal na pagtalakay sa resolusyon sa Senado sa mga susunod na pagdinig.