Lalo pang bumilis ang pagbabayad ng Administrasyong Marcos sa mga pagkakautang ng Pilipinas kasunod ng labis na pag-utang na ginawa noong panahon ni dating PRRD.
Ginawa ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon ang naturang pahayag, kasunod ng inilabas na impormasyon ng Bureau of the Treasury kamakailan kung saan nabayaran na ng national government ang hanggang P1.28 trillion na utang sa loob lamang ng unang anim na buwan ng 2024.
Ayon kay Gadon, gumagawa na ng akmang hakbang ang Marcos Administration upang mapabilis ang pagbabayad at tuluyang mapababa ang utang ng Pilipinas.
Paliwanag ng dating abogado na ang halos P1.3 trillion na naibayad ng kasalukuyang administrasyon ay 35% na mas mataas kumpara sa naibayad nito noong 2023 na hanggang P907 billion lamang.
Ito ay nagpapakita aniya ng maayos na fiscal management.
Ayon pa kay Gadon, sa loob ng 89 years kung saan nagsilbi ang 14 na presidente, umabot sa P6.6 trillion ang naipong pagkakautang ng Pilipinas.
Sa administrasyon lamang ni dating PRRD aniya, umabot sa P7.2 trillion ang inutang ng bansa sa loob ng anim na taon.
Ayon kay Gadon, hindi makatwiran ang napakalaking inutang ng nakaraang administrasyon sa kabila ng naranasang pandemiya.
Bilyon-bilyon aniya ang sinasabing napunta sa mga maanomalyang pagbili ng mga kagamitan, bakuna, at iba pa, noong pandemiya habang malalaking halaga rin ang naipasok sa mga flood control projects na hindi naman epektibo.