Maaaring maramdaman ng mga Pilipino ang mas mataas na presyo ng bilihin ngayong taon dahil sa patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan, ayon sa development organization na IBON Foundation.

Sinabi ni Sonny Africa, executive director ng IBON, na kung magpapatuloy ang sigalot sa rehiyon, posibleng umabot ang inflation sa 6 hanggang 7 porsiyento bago matapos ang 2026.

Ito ay pagtaas mula sa 2.4 porsiyentong naitala noong Pebrero, at inaasahang tataas na sa 5 porsiyento ngayong Marso pa lamang.

Binabala ng grupo na hindi sasabay ang pagtaas ng sahod sa paglobo ng presyo ng bilihin at limitado rin ang paglikha ng bagong trabaho, kaya mas maraming pamilyang Pilipino ang maaaring makaramdam ng dagdag na pasanin sa pang-araw-araw na gastusin.

Dagdag pa rito, sinabi ng IBON na ang mga pangunahing produkto tulad ng pagkain, gasolina, at utilities ay malamang na maging pangunahing apektado ng inflation, na magreresulta sa mas mataas na gastos sa pamumuhay.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanilang pagtataya, kung hindi maaagapan ang epekto, maaaring maging malaking hamon para sa kabuhayan ng mga ordinaryong mamamayan at sa katatagan ng ekonomiya sa pangkalahatan.