TUGUEGARAO CITY- Iniutos ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan ang pagbabawal sa online classes.
Ito ay bilang tugon ni Mamba sa mga reklamo ng mga magulang sa kanyang tanggapan na mandatory online classes habang suspindido ang pasok sa mga eskwelahan dahil sa banta ng covid-19.
May ipinapagawa umano ang ilang guro sa kanilang mga estudyante na mga projects at homework na dahilan para hindi sumunod ang mga ito sa home quarantine sa takot na bumagsak sila sa kanilang subjects.
Kabilang sa mga ginagawa ng mga estudyante ay ang pagpunta sa kanilang mga dormitories o internet cafe para gawin ang pinapagawa ng kanilang mga guro o professors.
Reklamo din ng ilang mga estudyante na wala silang pera sa internet access dahil sa inuuna ng kanilang mga magulang ang pangunahing pangangailangan sa kanilang bahay sa panahon ng quarantine period.
Dahil dito, sinabi ni Mamba na dapat na ikonsidera ng mga guro o professors ang ipinapatupad na enhanced community quarantine at estado ng buhay ng kanilang mga estudyante.