
Tatalakayin ng House Committee on Justice ang isa sa pinakamabibigat na paratang sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte—ang umano’y grave threats laban kina Ferdinand Marcos Jr., Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ayon kay House Justice committee chairperson Batangas Rep. Gerville Luistro, nakatakda sa Abril 29 ang susunod na pagdinig kung saan tatalakayin ang ebidensya mula sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), kabilang ang mga dokumento at digital na patunay kaugnay ng umano’y pagbabanta noong Nobyembre 2024.
Naglabas na rin ng subpoena ang komite upang obligahin ang NBI na dalhin ang lahat ng mga ebidensya.
Sa nasabing pagdinig, NBI lamang ang magiging resource person, kaya inaasahan na mas magiging direkta ang talakayan.
Matapos ang pagdinig, inaasahang boboto ang mga miyembro ng komite kung mayroong “probable cause” para ituloy ang bawat paratang sa impeachment complaints.
Bago ang botohan, kailangan munang pagdesisyunan ng komite kung bubuksan ang income tax records ni Duterte at ng kanyang asawa na si Manases Carpio, na isinumite ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Kung mananatiling sealed ang mga ito, maaaring ipasa na lamang sa Senado at hayaan ang Senate of the Philippines na magpasya kung maaari itong buksan bilang impeachment court.
Naantala ang pagbubunyag ng tax records dahil sa umiiral na batas na naglilimita sa paglalabas ng ganitong impormasyon maliban kung ito ay hinihingi sa mga pagdinig ng Kongreso para sa paggawa ng batas at sa executive session.










