
Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa loob ng 30 days ang 15 pampasaherong bus ng GV Florida Transport na may rutang Sta. Ana Cagayan -Sampaloc at Baguio -Apayao.
Ito ay matapos na iutos mismo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon kasunod ng nag-viral na video ng ilan sa bus ng GV Florida Transport na mistulang nagkakarerahan sa kalsada noong gabi ng June 8 sa bahagi ng Diadi, Nueva Vizcaya at Cordon, Isabela.
Suspendido na rin ng 90 days ang lisensya ng mga driver na sangkot sa viral video.
Isasailalim din sa mandatory drug test ang lahat ng driver ng GV Florida Transport.
Hindi naman tinanggap ng DOTr ang public apology ng GV Florida Transport.
Sa inilabas na statement, sinabi ng pamunuan ng bus company na tinitiyak nila ang kaligtasan at kapakanan ang pangunahing prayoridad at nagsasagawa na ng sariling imbestigasyon sa mga sangkot na driver.
Nagtakda ng pagdinig ang LTFRB at Land Transportation Office (LTO) sa June 13 at June 25 upang matukoy ang mga bus driver na nagkarerahan.