
Umabot na sa mahigit 1.59 milyong indibidwal o katumbas ng 375,664 pamilya ang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Maasim, Sarangani noong Hunyo 8, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Batay sa pinakahuling ulat ng ahensya, apektado ang 580 barangay sa Davao Region at SOCCSKSARGEN. Sa kabuuang bilang, mahigit 22,000 katao ang nananatili sa mga evacuation center habang higit 63,000 naman ang tinutulungan sa labas ng mga ito.
Naitala rin ng NDRRMC ang 77 nasawi, 1,339 nasugatan, at 31 katao na nananatiling nawawala bunsod ng lindol.
Bukod dito, 130 kalsada at 47 tulay ang naapektuhan, habang napinsala rin ang linya ng kuryente sa 47 lungsod at munisipalidad, kung saan 14 na lugar pa lamang ang naibalik na ang suplay ng kuryente.
Aabot naman sa 68,511 bahay ang bahagyang nasira at 14,234 ang tuluyang nawasak sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at BARMM.
Tinatayang nasa ₱1.356 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura, habang mahigit ₱318.66 milyon na halaga ng tulong ang naipamahagi ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan sa mga apektadong residente.










