Umabot sa halos 300 aplikante mula Conner, Apayao ang sumailalim sa assessment at physical tests para sa Korea Seasonal Worker Program, na pinangunahan ni Myung Woo Nam, Director ng Agricultural Affairs Division ng Paju City, South Korea.

Layunin ng screening na sukatin ang pisikal na kakayahan ng mga aplikante para sa seasonal agricultural work sa South Korea. Dumalo rin sina Kim Jihan at Jeong Gyongho mula sa Namju City upang obserbahan ang partnership ng Conner at Paju City.

Hinimok ni Conner Mayor Jorico Bayaua ang mga seasonal worker na maging responsable at tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin upang mapanatili ang magandang ugnayan ng Conner sa Paju City.

Tiniyak naman ni Nam na protektado ang mga karapatan ng mga manggagawa, kabilang ang tamang pasahod at maayos na kondisyon sa trabaho.

Mula nang itatag ang partnership, mahigit 100 seasonal workers na ang naipadala ng Conner sa South Korea. Ngayon, nasa 150 manggagawa naman ang bubuong pinakamalaking batch na ide-deploy sa Paju City.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang magtatrabaho ang mga seasonal worker nang hanggang walong buwan at maaaring kumita ng hindi bababa sa P80,000 kada buwan. Maaari rin silang ma-rehire depende sa kanilang performance.

Nakatakda ring umalis ang 13 seasonal farm workers patungong Haenam-gun, South Korea sa ilalim ng programa.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsisikap ng LGU Conner na magbigay ng legal at maayos na oportunidad sa trabaho para sa mga residente habang natutugunan ang kakulangan ng manggagawa sa South Korea.