Posibleng umabot sa mahigit 52°C ang heat index sa ilang bahagi ng bansa mula huling linggo ng Pebrero hanggang Hunyo 2027.

Ayon sa PAGASA, inaasahang mas titindi ang init at maalinsangang panahon sa naturang mga buwan, kung kailan posibleng umabot sa extreme danger level ang heat index.

Babala ng ahensya, maaaring magdulot ng heat stroke at iba pang panganib sa kalusugan ang ganitong kataas na heat index.

Iniuugnay rin ang inaasahang matinding init sa posibleng malakas na El Niño na maaaring magpatuloy hanggang unang kalahati ng susunod na taon, na maaari ring makaapekto sa agrikultura at pangingisda.

Samantala, siyam na lugar naman ang nakakaranas ng danger-level heat index na 42 hanggang 51°C ngayong Nobyembre 4.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t posible pa ring lumamig ang panahon ngayong Kapaskuhan, sinabi ng PAGASA na hindi inaasahang kasingbaba ng minimum temperature noong nakaraang taon ang mararanasan dahil sa El Niño.