Nahaharap sa administrative complaints ang isang heneral ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) matapos siyang ireklamo ng isang pulis na babae, ayon sa National Police Commission (Napolcom) nitong Miyerkules.

Sa isang limang pahinang sinumpaang salaysay na isinumite sa Napolcom, hiniling ng babaeng miyembro ng HPG ang pagpapatalsik sa opisyal dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Sexual Harassment Act at Data Privacy Act. Ayon sa reklamo, inanyayahan umano siya ng heneral na makipagtalik.

Dagdag pa niya, sinabayan umano ng pananakot at intimidasyon ang mga ginawa ng opisyal, kabilang ang banta na ililipat siya sa Mindanao kung tatanggi siya sa umano’y mga paglapit nito.

Ikinwento rin ng nagrereklamo na pinasok umano ng opisyal ang kanyang cellphone nang walang pahintulot, binasa ang kanyang mga mensahe, at kumuha ng mga larawan ng laman ng kanyang gallery, pati na ang mga pag-uusap sa Messenger at Viber. Ayon pa sa kanya, nagbanta ang opisyal na gagamitin ang mga nakuhang impormasyon laban sa kanya sakaling isumbong niya ang insidente sa dating hepe ng HPG.

Sinabi rin ng complainant na nais niyang magsilbing aral ang kanyang karanasan para sa mga nang-aabuso, at iginiit na may mga kababaihang maninindigan para sa kanilang karapatan anuman ang kanilang katayuan sa buhay. Giit pa niya, hindi dapat sinasamantala ng sinuman ang sitwasyon ng kababaihan.

-- ADVERTISEMENT --