
Aabot sa 244 na dayuhan ang dinakip ng Bureau of Immigration (BI) sa magkahiwalay na operasyon laban sa mga hinihinalang ilegal na POGO activities sa Zamboanga Sibugay.
Isinagawa ang operasyon nitong October 2 sa Barangay Kimos sa bayan ng Siay at Barangay Tandiong Muslim sa Alicia.
Kasama ng BI sa operasyon ang National Bureau of Investigation at Armed Forces of the Philippines.
Sa Siay, 113 dayuhan ang dinakip, kabilang ang 110 Chinese, dalawang Cambodian at isang Hong Kong national.
Samantala, 131 naman ang dinakip sa Alicia, karamihan ay Chinese nationals, kasama ang mga mula Malaysia, Indonesia at Myanmar.
Ayon sa BI, bineberipika pa ang pagkakakilanlan at nationality ng lahat ng mga dinakip.
Iniimbestigahan sila dahil sa posibleng paglabag sa immigration laws, kabilang ang pagtatrabaho nang walang tamang work visa, pagiging undocumented at ilegal na pagpasok sa bansa.
May ilan din umanong sangkot sa mga ilegal na online activities na may kaugnayan sa POGO.
Sa isinagawang operasyon sa Casa de Coco Pension House, nakumpiska ang 78 computer monitor, nasa 3,000 cellphone, mga laptop at SIM card.
May nakuha rin umanong iba pang kagamitan na posibleng ginagamit sa online scams.
Ayon sa BI, nagpapakita umano ito ng organisadong ilegal na online operation sa lugar.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na patuloy nilang huhulihin at papanagutin ang mga dayuhang lumalabag sa immigration laws at sangkot umano sa ilegal na POGO activities.
Tinitingnan din ng BI kung may naganap na paglabag na may kaugnayan sa human trafficking.
Dadaan sa deportation proceedings ang mga dinakip na dayuhan. Kapag naglabas na ng deportation order, ilalagay ang kanilang pangalan sa blacklist ng BI at hindi na sila papayagang makabalik sa Pilipinas.










