Opisyal nang sinimulan ang ika-10 iteration ng Joint Exercise Dagat, Langit at Lupa (DAGIT-PA) sa iba’t ibang operational areas sa Northern Luzon at Palawan.

Tatagal ng sampung araw ang naturang joint military exercise na nakatakdang magtapos sa Nobyembre 27.

Isinasagawa ang taunang pagsasanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nang walang partisipasyon ng mga dayuhang sundalo o militar.

Layunin nitong palakasin ang koordinasyon at pagtutulungan ng Philippine Army, Philippine Air Force, Philippine Navy at Philippine Marine Corps, kasama ang mga opisyal at miyembro ng Reserve Force.

Ayon sa AFP, mahalaga ang pagsasanay upang higit na mapahusay ang sanib-puwersang operasyon at interoperability ng iba’t ibang sangay ng militar, gayundin ang kanilang kahandaan sa pagharap sa nagbabagong mga hamon sa seguridad.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga aktibidad ang command and control, field training, sustainment exercises at humanitarian civic assistance.

Tututukan din ang cyber defense at information warfare bilang bahagi ng pagpapalakas sa kakayahan ng militar sa mga makabagong larangan ng operasyon.