
Kinuwestiyon ni Sen. Risa Hontiveros nitong Miyerkules ang umano’y minamadaling pag-amyenda sa Senate Rules upang payagan si Ronald “Bato” Dela Rosa na makalahok at makaboto sa sesyon sa pamamagitan ng internet habang iniiwasan umano nito ang pag-aresto.
Nag-walk out noong Martes ng gabi ang mga miyembro ng minorya bilang protesta sa panukala ni Sen. Rodante Marcoleta na payagan ang remote participation ng mga senador sa ilalim ng “justifiable” na dahilan.
Ayon kay Hontiveros, tila mas inuuna pa umano ng Senado ang usapin ng electronic voting kaysa sa mahahalagang suliranin ng mamamayan.
Aniya, tatlong linggo nang natatabunan ang mga usaping may direktang kinalaman sa kapakanan ng publiko dahil sa kontrobersiya sa Senate floor.
Sinabi rin niya na nilisan ng minorya ang plenaryo matapos igiit ni Marcoleta ang pag-amyenda sa Senate Rules kahit marami pa umanong substantive problems sa panukala na hindi pa lubusang nadedebatehan.
Iginiit ni Hontiveros na dapat munang dumaan sa Senate committee on rules ang anumang panukalang pagbabago sa Senate Rules bago ito talakayin sa plenaryo.
Binalikan din niya ang naging sitwasyon noon ni Leila de Lima na hindi pinayagang makalahok sa sesyon habang nakakulong sa panahon ng administrasyon ni Rodrigo Duterte.
Ayon kay Hontiveros, malaki umano ang kaibahan ng kaso ni De Lima dahil iginagalang nito noon ang legal na proseso, samantalang ang isang senador ngayon ay umano’y nagpapakita ng kawalan ng respeto sa legal authority.
Dagdag pa niya, kung maaamyendahan ang Senate Rules para rito, para na rin umanong nagbibigay ang Senado ng espesyal na pribilehiyo na hindi naman naaabot ng ordinaryong mamamayan.










