Binatikos ng constitutional law expert at dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) president na si Atty. Domingo “Egon” Cayosa ang ilang senador na aniya ay nagpapakita ng “kapit-tuko” na paghawak sa posisyon sa Senado.

Kasabay ito ng patuloy na pagkakahati ng mataas na kapulungan sa pagitan ng Cayetano bloc na pinamumunuan ni Sen. Alan Peter Cayetano at ng Gatchalian bloc na pinangungunahan ni Acting Senate President Win Gatchalian.

Ayon kay Cayosa, ang patuloy na paggiit ng Cayetano bloc sa liderato ng Senado ay maituturing umanong desperadong hakbang upang manatili sa kapangyarihan, sa kabila ng mga umiiral na probisyon ng Konstitusyon, desisyon ng korte, at mga Senate rules.

Giit pa ng abogado, nagdudulot umano ang bangayan sa liderato ng pagkaantala sa pagpasa ng mahahalagang panukalang batas, mga pagdinig, at kumpirmasyon ng mga itinalagang opisyal na mahalaga para sa serbisyo publiko.

Nanawagan si Cayosa na unahin ang interes ng bayan at isantabi ang pulitika, at iginiit na mas makabubuti kung magbibigay-daan na lamang ang mga lider na kontrobersyal upang mapanatili ang maayos na takbo ng Senado.

-- ADVERTISEMENT --