
Nadagdagan ng mahigit P170 bilyon ang pondo para sa mga multi-purpose building at local access road sa panukalang 2027 national budget matapos ang realignment na ginawa ng House of Representatives, ayon sa isang watchdog group.
Ayon kay People’s Budget Coalition spokesperson AJ Montesa, nadagdagan din ng humigit-kumulang 6,000 proyekto ang mga naturang imprastraktura, bagama’t nagpapatuloy pa ang kanilang pagsusuri sa kabuuang bilang ng mga proyekto.
Sinabi ni Montesa na kapalit ng pagdaragdag ng pondo para sa mga ito ay binawasan ang alokasyon para sa foreign-assisted projects, kabilang ang mga national road, railway at Metro Manila Subway na pinopondohan katuwang ang mga multilateral institution.
Dahil dito, kinuwestiyon ng grupo ang pagbabago sa prayoridad ng mga proyekto sa pambansang badyet at sinabing tila mas binibigyang-pansin na ngayon ang mga multi-purpose building sa halip na mga flood control project.
Wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng Kamara kaugnay sa mga alegasyon.










