
Hinamon ng mga lider ng Kamara si dating Department of Education o DepEd Undersecretary Michael Poa na linawin ang paggamit ng confidential funds ng ahensya noong panahon ni Vice President Sara Duterte bilang Education Secretary.
Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega V., mahalagang testigo si Poa dahil naging undersecretary at tagapagsalita siya ng DepEd at may kinalaman umano sa mga dokumentong ginamit sa liquidation ng confidential funds.
Sa pagdinig ng House noong 2024, sinabi ni Poa na hiniling niya noon kay dating DepEd Undersecretary Nolasco Mempin na mag-isyu ng military certifications bilang suporta sa paggamit ng confidential funds para sa isang Youth Leadership Seminar.
Gayunman, sinabi ni Mempin na hindi nila alam na gagamitin ang naturang certifications sa liquidation ng confidential funds.
Iginiit naman ni House good government panel vice chairperson Benny Abante na may pananagutan si Poa at hindi nito maaaring iwasan ang mga tanong tungkol sa disposisyon ng confidential funds.
Inaasahang haharap si Poa sa impeachment court ng Senado sa Setyembre 1 bilang hostile witness ng prosecution kaugnay ng alegasyon ng maling paggamit at iregular na liquidation ng confidential funds ng DepEd na umaabot sa P112.5 milyon.










