
Walang nakikitang problema si Vice President Sara Duterte sa magkakaibang political affiliations ng mga miyembro ng kanyang legal team na humahawak sa impeachment case laban sa kanya.
Ayon kay defense spokesperson Michael Poa, hindi nakaaapekto sa kanilang trabaho ang pagkakaiba ng paniniwalang politikal ng mga abogado at hindi ito isyu para sa Bise Presidente.
Ito ay matapos kumalat ang isang post na nagpapakitang isa sa mga abogado ni Duterte ay dating tagasuporta ni dating Vice President Leni Robredo noong 2022 presidential elections at nagbahagi rin ng mga post ni impeachment prosecutor Chel Diokno.
Binigyang-diin ni Poa na propesyonal ang kanilang pagtatrabaho at nakatuon lamang sa paglalahad ng mga katotohanan upang patunayang walang batayan ang mga alegasyon laban kay Duterte.
Sinabi rin niyang buo ang tiwala niya sa kakayahan at dedikasyon ng bawat miyembro ng defense team, na binuo umano ng Bise Presidente noon pang 2024.









