
Ipinagtanggol nina House Deputy Speaker Ronaldo Puno at House Appropriations Committee Senior Vice Chairperson Albert Garcia ang panukalang 2027 national budget na inaprubahan ng Kamara sa gitna ng alegasyon ng mga insertion at mga proyektong farm-to-market road na may mga koordinatong nasa dagat.
Ayon kay Garcia, posibleng nagkaroon lamang ng typographical error sa mga koordinata dahil sa dami ng dokumentong pinoproseso.
Hinimok niya ang People’s Budget Coalition na tukuyin ang mga proyektong may kahina-hinalang lokasyon upang mapatunayan at maitama ang mga ito bago maisabatas ang pambansang badyet.
Iginiit din ni Garcia na dumaan sa beripikasyon ng mga kinauukulang ahensiya ang mga proyektong isinama sa mga amyenda ng Kamara.
Samantala, sinabi ni Puno na hindi dapat ituring na insertion ang mga pagbabago sa panukalang badyet dahil dumaan umano ang mga ito sa mga pagdinig ng komite at plenaryo.
Aniya, kinailangang ilahad nang detalyado ang mga proyekto matapos isumite ng ehekutibo ang panukalang badyet na may mga lump-sum allocation.
Hindi rin nakikita ni Puno na kailangang ibalik sa Kamara ang panukalang badyet upang itama ang mga posibleng pagkakamali o sumunod sa pinakahuling desisyon ng Korte Suprema.
Naniniwala silang maaari pang gawin ang mga kinakailangang pagbabago sa Senado o sa bicameral conference committee.










