Tinawag ni House Private Prosecutor Atty. Lorna Kapunan na isang “scam” ang umano’y iregularidad sa paggamit ng Department of Education o DepEd ng P612.5 milyong confidential funds noong panunungkulan ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng ahensya.

Ang pahayag ay ginawa ni Kapunan sa ika-12 araw ng impeachment trial, kasunod ng testimonya ni dating Commission on Audit–Intelligence and Confidential Funds Audit Office State Auditor Atty. Roderick Wamil tungkol sa mga audit observation memorandum na inilabas kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng DepEd noong 2023.

Ayon kay Wamil, may mga paglabag umano ang DepEd sa Joint Circular 2015-01 na nagtatakda ng mga alituntunin sa paggamit at pag-uulat ng confidential funds. Binanggit din niya na nakasaad sa naturang circular na ang kabiguang ma-liquidate ang pampublikong pondo ay maaaring magsilbing prima facie evidence na ginamit ito para sa personal na kapakinabangan.

Matapos ang testimonya, sinabi ni Kapunan sa mga mamamahayag na para sa kanya, maituturing na “scam” ang paulit-ulit na umano’y maling paggamit ng pondo ng taumbayan. Gayunman, agad na tumutol si Defense Counsel Atty. Michael Poa sa naturang pahayag at hiniling na alisin ito sa opisyal na rekord ng impeachment court. Pinaboran ng presiding officer ang kanyang mosyon.

Sa hiwalay na panayam, iginiit ni Poa na maling paglalarawan ang pagtawag sa isyu bilang isang “scam” at iginiit na hindi ito angkop na termino para sa usapin.

-- ADVERTISEMENT --