
Nagulat ang House Prosecution Panel matapos mapansin na nahirapan umanong magsalita sa Filipino at English si OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta sa kanyang pagharap bilang hostile witness sa impeachment trial.
Dahil dito, may mga pagkakataong kinailangang isalin sa Bisaya ang mga tanong at sagot ni Acosta.
Ayon kay House Prosecutor Rep. Ysabel Zamora, ikinagulat nila ito dahil nakapagsalita naman umano si Acosta sa Filipino at English nang humarap ito noon sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Para naman kay House Prosecutors Adviser and Spokesperson Robert Ace Barbers, posibleng kinakabahan lamang si Acosta sa kanyang pagharap sa impeachment trial.
Sa direct examination ni private prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan, idinetalye ni Acosta ang pag-withdraw ng P125 milyong confidential funds na ibinigay umano niya nang buo kay Col. Raymund Dante Lachica, alinsunod sa utos ni Vice President Sara Duterte.










