Igigiit ng House Prosecution Panel ang pagbubukas at pagmamarka bilang ebidensya ng kahon na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio sa nalalapit na impeachment trial.

Ayon kay House Impeachment adviser at spokesperson Robert Ace Barbers, mahalagang maiprisinta sa publiko ang nilalaman ng BIR box dahil maaari itong magpatibay sa mga alegasyong inihain laban sa bise presidente. Aniya, kung hindi naman ito makatutulong sa panig ng prosekusyon, maaari rin itong magsilbing paborableng depensa para sa kampo ni Duterte.

Sa pre-trial conference, tumutol ang kampo ng bise presidente sa pagbubukas at pagmamarka ng kahon bilang ebidensya sa open court, ngunit pumayag itong buksan ang kahon sa isang executive session. Pinaniniwalaang naglalaman ang kahon ng income tax returns nina Duterte at Carpio, kabilang ang mga rekord ng kanilang mga negosyo.

Bukod dito, sinabi ni Barbers na hihilingin din ng prosekusyon na payagang aktibong lumahok ang mga private prosecutor sa pagsusuri ng mga testigo at ebidensya, tulad ng mga nagdaang impeachment proceedings. Inaasahan ding isa sa mga pangunahing isyung tatalakayin sa pagbubukas ng paglilitis sa Hulyo 6 ang kung sino ang mamumuno bilang presiding officer ng impeachment court.