
Nais ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber na personal na humarap ang nakadetineng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa nakatakdang status conference sa Setyembre 7 kaugnay ng kinahaharap nitong kasong crimes against humanity.
Sa pagdinig noong Hunyo 23, sinabi ni Presiding Judge Joanna Korner na mahalagang yugto ang naturang pagdinig dahil inaasahang kumpleto na sa panahong iyon ang mga ulat ng panel of experts at ang mga obserbasyon ng magkabilang panig sa kaso.
Ayon sa korte, inaasahang maisusumite ng mga eksperto ang kanilang ulat bago ang Agosto 18, habang hanggang Agosto 31 naman ang itinakdang deadline para sa mga komento at paliwanag ng mga partido.
Hindi dumalo si Duterte sa naturang pagdinig at sa halip ay kinatawan siya ng kanyang abogado na si Peter Haynes.
Binigyang-diin ni Korner na inaasahan ng korte ang personal na pagharap ng dating Pangulo sa Setyembre 7 maliban na lamang kung may sapat na medikal na dahilan upang hindi siya makadalo.
Tinalakay rin sa status conference ang mga patakaran sa paghawak ng confidential information at pinaalalahanan ang mga abogado na iwasang magbigay ng mga pahayag sa labas ng korte na maaaring makaapekto sa proseso ng kaso.
Binatikos din ng hukom ang ilang naunang pahayag ng dating defense counsel na si Nicholas Kaufman na aniya’y hindi naaangkop at maaaring makasira sa integridad ng paglilitis.
Giit ni Korner, ang wastong lugar para sa mga argumento at depensa ay nasa loob ng korte at hindi sa media o sa opinyon ng publiko. Binanggit din nito ang pagkalat ng maling impormasyon kaugnay ng kaso.
Nakatakda ang susunod na status conference sa Hulyo 14, susundan ng mga pagdinig sa Setyembre 7, Oktubre 13, at Nobyembre 2 bago ang nakatakdang paglilitis sa Nobyembre 30.








