Pinayagan ng International Criminal Court o ICC Trial Chamber III ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maidagdag ang isang indibidwal sa kanyang listahan ng mga non-privileged contact.

Batay sa desisyong inilabas noong Hunyo 11, inatasan ng korte ang Registry na agad iulat ang anumang paglabag sa umiiral na contact restrictions at iba pang mahahalagang kaganapan kaugnay ng usapin.

Ayon sa ICC, hindi na kinakailangan ang kasalukuyang pagbabawal sa komunikasyon at pagbisita sa pagitan ni Duterte at ng naturang indibidwal kaya pinahintulutan na itong maisama sa kanyang contact list, alinsunod sa umiiral na mga kondisyon ng korte.

Hindi naman tinutulan ng ICC Prosecution ang kahilingan ng depensa, habang iniulat ng ICC Registry na wala itong naitalang anumang paglabag mula noong huli nitong ulat noong Nobyembre 2025.

Samantala, nananatiling epektibo ang iba pang contact restrictions na ipinataw ng korte kay Duterte. Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa kanyang kaso sa Nobyembre 30, 2026.

-- ADVERTISEMENT --