Binigyang-diin ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno na hindi dapat puro pangako at salitang walang laman ang ilahad ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address o SONA.

Ayon kay Diokno, kung seryoso ang pangulo sa pagsugpo sa korapsyon at pagpapalakas sa pananagutan, kailangan niyang tiyakin na lahat ng responsable sa pag-abuso sa kaban ng bayan ay maipakukulong, kaalyado man o hindi.

Nais din nitong isulong ni Marcos ang pagpasa sa mga makabuluhang reporma tulad ng pagpapalakas sa party-list system upang maging tunay na marginalized at underrepresented sectors ang kakatawanin.

Kabilang pa sa wishlist ng kongresista ang Right to Information Act para sa transparency at ang konkretong solusyon sa tumataas na cost of living, inflation, kuryente at kakulangan sa de-kalidad na trabaho.

Idinagdag ni Bagong Henerasyon Party-list Representative Robert Nazal na hindi mahabang talumpati ang hinahanap ng mga Pilipino, hindi pamumulitika kundi mabuting pamamahala.

-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala si Nazal na kailangang kumilos ang gobyerno para makahikayat ng mas maraming investments at pagpapatupad ng reporma sa power industry lalo’t isa ang Pilipinas sa may pinakamahal na kuryente.

Bukod dito, dapat umanong suportahan ang micro, small and medium enterprises sa pamamagitan ng mababa o zero-interest financing.

Ipinunto pa niya na mahalagang magkaroon ng mas mahigpit na regulasyon sa online gambling platforms at seryosong paghahabol sa ilegal na sugal para protektahan ang mga kabataan.

Samantala, bago pa man ang ikalimang SONA, bagsak na agad ang gradong ibinigay ni Kamanggagawa Party-list Representative Eli San Fernando kay Pangulong Marcos dahil hanggang ngayon ay pinapasan pa rin umano ng mga manggagawa ang mababang sahod habang nakabinbin pa ang pro-worker legislation sa Kongreso.

Punto ni San Fernando, dalawang taon na lang ang nalalabi sa termino ng pangulo subalit kahit isang landmark bill para sa mga manggagawa ay wala pang naipapasa at kahit certification as urgent ay wala man lang.